Bungad > Bagay-bagay Lang, Biglaang Pangyayari, Di Pangkaraniwan, Opinyon ng Panadero > Jacque Bermejo Case – Sino nga ba ang biktima?

Jacque Bermejo Case – Sino nga ba ang biktima?

Sa kalunos-lunos na sinapit ng mga biktima ng Bagyong Ondoy sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, kasabay nito ay ang isa sa mga masasalaming pagkakabukod-bukod ng mga Pilipino sa aspetong pagiging makatao. Dahilan sa isang malisyosong komento na nauugnay sa sensitibong pangyayaring ito sa buhay ng mga Pinoy, isang tao kasabay ng libo-libong nasalanta ng baha ang binaha din ng batikos at galit ng karamihan sa mga Pinoy.

Setyembre 27, 2009 – Isang kaibigan ko sa sikat na social networking site na Facebook ang nag-post ng isang link tungkol sa taong nagngangalang “Jacque Bermejo”. Ako’y naintriga kung kaya’t binuksan ko ang nasabing pahina subalit mga komento at opinion ng ibang tao ukol sa diumano’y sinabi ni Jacque sa kanyang “shoutout” ang aking nakita. Puro negatibo, may bahid ng galit at pagkainis, at ang iba ay halatang nakikisawsaw lamang.

Ang nasabing komento o shoutout ay inilagay sa pahina sa Facebook ng Definitely Filipino. Ang pahinang ito ay ukol sa sari-saring bagay, tao or pangyayaring may kinalaman sa Pinoy. Umani ng mahigit 1,500 reaksyon ang naturang komento na mababasa sa sumusunod.

“buti n lng am hir in dubai! maybe so many sinners bak der! so yeah deserving wat hapend (sic),”

Bukod sa Facebook, maraming reaksyon din na kung minsan ay may kasama pang larawang tila “pinagkatuwaan” ang makikita sa Friendster at Multiply accounts ni Jacque. Ang nakakagulat pa dito ay hindi lang larawan niya ang nai-broadcast sa mga internet sites kundi pati ang ibang personal na impormasyon niya katulad ng tanggapang kanyang pinagtatrabahuhan. At ayon pa nga sa ilan ay may sumulat na daw as employer nitong nagsusuhestyon ng pagbibigay ng karampatang aksyon ukol sa behavior ni Jacque.

Setyembre 29, 2009 – Ilang araw ang nagdaan, lumitaw sa ABS-CBN news si Jacque na itinatanggi ang naturang malisyosong komentong nai-post. Ayon sa kanya ay biktima siya ng “hacking”. Dagdag pa dito, inilathala din sa Gulf News ang kanyang claim na hindi siya ang taong nasa likod ng Facebook account na gumawa ng malaking ingay sa mundo ng mga Pinoy sa internet.

Sa aking palagay lamang:

Kung ibabalanse ko ang aking mga nabasa laban sa mga pahayag ni Jacque, maaring nagsasabi ng totoo itong taong nasa gitna ng isyung ito. Maging ako ay na-outrage nung una kong makita ang mga komentong iyon, subalit nakapukaw din ng aking atensyon ang isang post sa Facebook na nagsabing na-hack nga ang account niya. Sa aking munting lohika, lumalabas na isa palang Marketing Executive ng isang design company na base sa Dubai itong taong ito. Kung ikaw ay isang taong may pinanghahawakan nang posisyon sa respetadong kumpanya, sa palagay ko naman ay hindi ito tanga o bobo para ilantad ang sarili niyang nagbibigay ng mapaniil na salita. Bukod pa dito, may 2 taon na pala niyang iniaapela sa mga kinauukulan ang hacking na nangyari sa account niya. Hindi biro ang maging sentro ng “character assassination” lalo pa’t ginamit ang isang makapangyarihang instrumento kung saan milyong tao ang pwedeng makaalam.

Sabi nga ni Prix Ramos sa kanyang reaksyon sa isang discussion forum, mas madali pang pinaniwalaan ng mga tao ang isang naisulat sa Facebook kung saan hindi naman na-validate ang source, kaysa sa mga pahayagan at balita sa telebisyon. Madaling magpanggap sa mga social networking sites, kahit nga dito sa blog ko, hindi ko mailantad ang tunay kong pangalan. Mukha naman siyang disenteng tao, at ang Multiply account niya ay sadyang kaduda-duda dahilan sa ginamit na mga katagang “starfishbuang” para sa domain nito. Hindi ito gawain ng isang matinong professional, at bagkus ay magagawa lang mga kawatan sa cyberspace na ang layunin ay manloko at manira.

Lumalabas tuloy na ganap sa ating mga Pilipino ang paniniwala sa mga pasalin-salin na kwento o tsismis, o sa mga bagay na hindi tukoy ang tunay na pinagmulan. Marahil ay dahilan sa masyadong malambot ang puso ng Pinoy. Di ko rin naman masisi ang mga nag-react dahil sadyang kaawa-awa naman ang mga taong biktima ng kalamidad, subalit may mga tao pa rin na ginagamit ang “awa” kuno para magdiin ng mas mapanira o mas mapaniil na gawain kaysa sa isang “malisyosong komento”.

Kung tayo ay may sensibility, isaalang-alang na lang natin sana ang pagpapaibayo ng pagtulong sa mga nasalanta kaysa pag-aksayahan ng panahong batikusin at tukuyin kung nagsasabi ng totoo si Jacque o hindi. Kung nagsasabi man siya ng totoo sa mga pahayag niya, tiyak na mas malaking dagok ang naidulot ng nangyaring ito di lamang sa buhay niya kundi sa buong pagkatao niya.

Sana’y ating tandaan na kung si Papa Jesus ay nakapagpatawad, bakit tayo ay hindi natin magawa iyon? Sino nga ba talaga ang tunay na biktima dito?

=====

Bago kayo mag-react sa opinyon ko, sasabihin ko lang na hindi ako kaanu-ano ni Jacque, ok? Period.

  1. Oktubre 2, 2009 bandang 4:08 hapon | #1

    lols

    may point ka po.. ;)

  1. No trackbacks yet.